25/02/2025
Ika-25 ng Pebrero, taong 1986, nagtapos ang mapayapang himagsakan ng taong bayan na tumagal ng apat na araw sa Epifanio de los Santos Avenue. Rebolusyon, pag-aaklas, pagprotesta, pakikipaglaban, at pagkawala sa rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos, ang matatawag na simpleng pakikiisa ng bawat mamamayang Pilipino noon ang siyang nagpatalsik at nagwakas sa masalimuot na panahong ito. Dinagsa, naglipana ang mga Pilipino na gustong makiisa sa kilusan na ito, tinatayang nasa isa hanggang tatlong milyong katao ang dumalo sa EDSA. Simpleng mamamayan, jeepney driver, magsasaka, nagtitinda sa palengke, mangingisda, sorbetero, o kung saan pa mang galing ng estado sa buhay ay lumahok at nagmartsa noon.
Marahil ay may kaakibat na negatibong konotasyon ang pag-aalyansa, sasagi sa isip na marahas at madugo ito, ngunit iba ang nangyari sa loob ng apat na araw na pamamalagi ng mga tao sa EDSA. Kung susumahin, ang kadalasang dala-dala ng mga tao sa rebolusyon ay mga armas at mga pangsanggalang, ngunit may dalang mga rosaryo at mga birhen ang mga madre na dumalo rito, pati na rin ang mga mananampalataya na humihiling sa pagwawakas ng rehiming Marcos. Mga tao at sundalo na kahit nasa magkabilang panig, ay nagagawa pang magbigay ng tubig sa kabila ng lahat ng pangyayari. Tunay na sa pagkamit ng kalayaan, maaaring madaan ito sa kapayapaan, ngunit higit sa lahat, Masa ang kasagutan.
Palagiang tatandaan na hindi nagtatapos ang katiwalaan na nangyayari sa bansa. Maging mapagmatyag at mapanuri sa mga kinauukulan, maging matalino sa pagboto ng mga uupo sa gobyerno, at higit sa lahat, huwag makakalimot at huwag hayaang mangyari pa ito. Paigtingin palagi ang diwa ng EDSA, at patuloy sa pagmartsa patungo sa malaya at makatarungang bansa.