03/06/2026
PRO2 News Brief 06-02-03
June 2, 2026
PRO2 Nakahanda sa Ligtas at Maayos na Balik- Eskwela 2026
Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City — Handa na ang Police Regional Office 2 (PRO2) na ipatupad ang mga hakbang pangseguridad sa buong Cagayan Valley kaugnay ng pagbubukas ng klase para sa School Year 2026–2027 sa Hunyo 8, 2026.
Sa direktiba ni PRO2 Acting Regional Director PBGen Mariano C. Rodriguez, paiigtingin ang presensya ng kapulisan sa mga paaralan, lansangan, terminal, tawiran, at iba pang lugar na inaasahang magiging matao sa unang linggo ng pasukan.
Bahagi ito ng mas malawak na paghahanda ng PRO2 upang matiyak na ligtas, maayos, at payapa ang pagbabalik ng mga mag-aaral sa kani-kanilang paaralan sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Batanes, at sa Lungsod ng Santiago.
Kasabay nito, inatasan ang lahat ng police units sa rehiyon na makipag-ugnayan sa mga school officials, local government units, barangay officials, traffic enforcers, at iba pang katuwang sa komunidad upang matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay at agarang police assistance.
Maglalagay din ang PRO2 ng mga Police Assistance Desks sa piling paaralan at strategic areas upang mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral, magulang, g**o, at school personnel. Isasagawa rin ng kapulisan ang foot patrol, mobile patrol, traffic assistance, at visibility operations sa mga school zones at pangunahing ruta ng mga estudyante.
Bukod sa pagbabantay laban sa krimen, tututukan din ng PRO2 ang pagpapanatili ng kaayusan sa daloy ng trapiko, pag-iwas sa anumang kaguluhan sa paligid ng paaralan, at pagbibigay ng agarang tulong sa mga estudyanteng maaaring mangailangan ng assistance.
Ayon kay PBGen Rodriguez, mahalagang maramdaman ng publiko na ang pulisya ay handa at malapit sa kanila, lalo na sa panahon ng balik-eskwela:
“Ang pagbubukas ng klase ay mahalagang araw hindi lamang para sa mga estudyante kundi maging sa mga magulang at g**o. Kaya naman sisiguraduhin ng PRO2 na may sapat na presensiya ng kapulisan at mabilis na pagtugon sa mga paaralan at lugar na dinaraanan ng ating mga kabataan.”
Binigyang-diin din niya na ang seguridad ng mga mag-aaral ay hindi lamang tungkulin ng pulisya kundi responsibilidad ng buong komunidad:
“Patuloy tayong makikipagtulungan sa DepEd, LGUs, barangay officials, at iba pang stakeholders upang maging maayos ang pagbabalik-eskwela. Hinihikayat din natin ang publiko na agad makipag-ugnayan sa pulisya kung may mapansing kahina-hinala o nangangailangan ng tulong.”
Tiniyak ng PRO2 na mananatiling nakaalerto ang kapulisan sa buong rehiyon bago, habang, at pagkatapos ng pagbubukas ng klase upang mapanatili ang ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng pulisya, paaralan, pamahalaang lokal, at komunidad, layon ng PRO2 na gawing payapa, maayos, at ligtas ang pagsisimula ng School Year 2026–2027, alinsunod sa adhikain ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.
# # #
PRO2 News Brief No. 06-02-2026
Authority: PBGEN MARIANO C RODRIGUEZ
Acting Regional Director
PMAJ SHARON C MALLILLIN
OIC, RPIO
Contact Nos. Tel: (078) 304-0074
Fax: (078)304-2897
Website http://www.pro2.pnp.gov.ph/
page: Police Regional Office 2