21/04/2026
ESTUDYENTE NAGKAMIT NG 67 NA MEDALYA, PINAKAMARAMI SA KASAYSAYAN SA LOOB NG 100 TAON
Reign Everard Hizon, SSLG President, Nagtapos na may 67 medalya, at pinakamarami sa kasaysayan ng Nueva Ecija High School sa loob ng 100 taon.
Isa sa mga tampok na nagtapos ngayong taon si Reign Everard Hizon ng Nueva Ecija High School, isang estudyanteng hinubog ng sipag, disiplina, at malinaw na layunin sa buhay.
Bitbit ang kahanga-hangang 67 medalya, 118 sertipiko, at samu’t saring parangal mula sa iba’t ibang antas internasyonal, pambansa, rehiyonal, dibisyon, distrito, at paaralan, pinatunayan ni Reign na ang tunay na tagumpay ay bunga ng tuloy-tuloy na pagsisikap at dedikasyon sa pag-unlad.
Ngunit higit pa sa mga bilang, ang kanyang kwento ay sumasalamin sa tiyaga, paglilingkod, at hangaring maging inspirasyon sa kapwa kabataan. Ipinapakita niya na ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa dami ng parangal, kundi sa lakas ng loob, magandang asal, at kakayahang bumangon sa bawat pagsubok.
Bilang isang nangangarap maging Iskolar ng Bayan, patuloy na ipinapakita ni Reign na ang tunay na kahusayan ay mas nagiging makabuluhan kapag naibabahagi at nakapag-aangat ng iba.