09/06/2026
RETIRED GENERAL, DINEPENSAHAN ANG “BRAVE 18” MATAPOS TAWAGING “KARGADOR” NG ISANG SENADOR
Naglabas ng matinding reaksiyon si retired Major General Romeo V. Poquiz matapos tawagin ni Senador Raffy Tulfo na “18 kargador” ang grupong mga dating sundalo na naglantad ng umano’y mga iregularidad sa kontrobersyal na flood control projects.
Sa isinagawang consultative meeting ng kampo nina Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Erwin Tulfo nitong Hunyo 8, tinukoy ni Raffy Tulfo bilang “18 kargador” ang mga dating sundalo na nagsasabing sila umano ang naghatid ng mga maletang naglalaman ng pera para sa ilang personalidad at opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Raffy Tulfo:
“Let me call on them, 18 kargador. Kasi nga po nagkakarga sila ng mga male-maletang pera sabi nga nila. ’Yun nga po ang trabaho nila, magbitbit, magkarga ng maleta.”
Kasunod nito ay nag-post sa social media si retired Major General Poquiz.
Bagamat hindi niya direktang pinangalanan si Sen. Raffy Tulfo o ang grupong Brave 18, tila tumutukoy ang kanyang mensahe sa bansag na “kargador” na ginamit laban sa mga dating sundalo.
Ayon sa kanyang post:
“Malayong mas marangal ang kargador na amoy pawis at punit-punit ang damit kesa naman sa naka Barong na nagpapatawag na Honorable siya pero magnanakaw naman pala.”
Ang pahayag ay lumabas habang umiinit ang palitan ng mga salita sa pagitan ng kampo ng mga testigong tinaguriang “Brave 18” at ng ilang senador na kumukuwestiyon sa kanilang kredibilidad at sa mga alegasyong kanilang inilalahad kaugnay ng umano’y flood control kickback scheme.
Nauna nang kinuwestiyon nina Raffy at Erwin Tulfo ang kredibilidad ng grupo, habang iginiit naman ng kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod na handa silang magharap pa ng karagdagang mga testigo at ebidensiya upang suportahan ang kanilang mga paratang.
Sa kanyang post, walang binanggit na partikular na pangalan si General Poquiz. Gayunman, dahil sa timing at nilalaman ng mensahe, maraming netizens ang nag-ugnay nito sa naging pahayag ni Raffy Tulfo laban sa mga dating sundalo.
Sa ngayon, wala pang tugon ang kampo ni Sen. Raffy Tulfo sa social media post ni retired Major General Poquiz.