Jeff Somera Vlog

Jeff Somera Vlog Sa katahimikan ng kabundukan, hinuhugot ang mga kwentong sumasalamin sa tapang, pag-asa, at buhay ng mga ordinaryog sundalo.

Ang bawat pahina ng kanyang akda ay tila bulong ng hangin ng Abra—tunay, marubdob, at may pusong Pilipino.

🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT! By Jeff SomeraPART 18Agad nagbago ang aura ng mukha ni Sarge Marquez s...
20/11/2025

🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT!

By Jeff Somera

PART 18

Agad nagbago ang aura ng mukha ni Sarge Marquez sa narinig. Nagsalubong ang kaniyang mga kilay at sinalubong ng matalim na titig ang kaniyang CO, ngunit agad din siyang ngumiti sabay sabi, “Ok lang, sir!”

“Maraming salamat, First,” sagot ni 1LT Diesmil sabay ngiti. “Ikaw na ang bahala sa paghahanda ng mga kakailanganin at gagamitin sa pagdating ng mga bisita.”

“Makakaasa po kayo, sir!” tugon ni Sarge Marquez.
Pagkatapos ng ilang paalala, nagpaalam na rin siya sa kaniyang CO.

Sa pagdaan niya sa Company Social Hall, nadaanan niya ang mga kasamahang kasalukuyang nagsasanay para sa nalalapit na awarding ceremony.

Karamihan sa kanila ay mga nakasama niya sa operasyon. Agad naman siyang binati ng mga ito nang mapansin siya sa gilid.

Tanging sina Cpl. Belarmino at Sgt. Fotic lang ang hindi bumati—na hindi na rin niya ikinagulat.
Hindi naman siya nagtanim ng sama ng loob sa ipinakita ng dalawa.

Gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi nang mapansin ang sigla at saya ng mga kasama sa ginagawang pagsasanay. Nabanaagan niya na marahil ay ito ang unang pagkakataon na bisitahin sila ng mga nakatataas at maparangalan sa harap ng karamihan.

Nagbalik sa kaniyang alaala ang unang beses na tumanggap siya ng parangal—Private pa lamang siya noon. Hindi niya maipaliwanag ang saya, lalo na nang maipadala niya sa kaniyang mga magulang ang litrato niya habang tinatanggap ang award mula sa Commander ng Infantry Division na nakasasakop noon sa kanila.

Apat lang silang naparangalan ng Gold Cross Medal—ang kanilang Platoon Leader, dalawang Team Leader, at siya.

“Mas kailangan nga nila ang award na ito,” mahinang bulong niya sa sarili.

Dederetso na sana siya sa kaniyang kubo nang marinig ang tawag ng sentinel sa Post 1—may naghahanap daw sa kaniya sa gate ng kampo. Agad niya itong tinungo.

Gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi nang makita sa labas ng bakod ang dalawang babae, at isa sa kanila ay pamilyar—si Ma’am Lily.

Agad bumawi ng tingin si Ma’am Lily nang magtama ang kanilang mga mata, saka ipinakilala ang kasamang si Kagawad Karen Morales.

“Tuloy kayo, Ma’am, Kagawad,” sabi ni Sarge Marquez habang kumumpas ng kamay para buksan ng sentinel ang gate.

Saglit na nahinto ang ginagawang pagsasanay sa pagpasok nina Ma’am Lily at Kagawad Karen sa kampo. Halatang namula ang pisngi ni Ma’am Lily nang halos sabay-sabay siyang batiin ng mga sundalo.

“Iimbitahan sana namin kayo sa paliga ng barangay, sir,” sabi ni Ma’am Lily kay 1LT Diesmil matapos iabot ang invitation letter.

“Magre-request na rin sana kami ng mga sundalong puwedeng tumulong sa improvement ng school premises,” nahihiyang dagdag niya.

“Aprub lahat ng request ninyo, Ma’am!” sagot ni 1LT Diesmil. “Si First na ang bahala sa sasaling team namin at sa manpower support para sa inyo sa school.”

“Salamat po, sir,” mahinang tugon ni Ma’am Lily, na tila hindi maibaling ang tingin kay Sarge Marquez.

“S-sir…” sabat ni Kagawad Karen, may pag-aalinlangan sa boses, “I-i-follow-up ko rin po sana ‘yung bayad sa mga…”

“Ah, ‘yun ba?” singit ni 1LT Diesmil, halatang nabigla. “Sino pala ang may utang sa barangay, First?” tanong niya sabay lingon kay Sarge Marquez.

“Sina Sarge Fotic at Cpl. Belarmino, sir.”

Namutla si 1LT Diesmil sa narinig. “Ahm… pakisabi kay Kap na babayaran ng tropa bago matapos ang buwan,” seryosong tugon nito.

Nagpasalamat si Kagawad Karen sa narinig, at ilang sandali pa’y nagpaalam na silang dalawa.
Inihatid ni Sarge Marquez sina Ma’am Lily at Kagawad hanggang gate, saka bumalik sa opisina ng kanilang CO. Doon niya nadatnan sina Sgt. Fotic at Cpl. Belarmino na kausap ni 1LT Diesmil.

“Kung may cash reward kayong matatanggap bukas…” naglipat-lipat ang tingin ni 1LT Diesmil sa dalawang sundalo. “…kukuhanin ng Company bilang pambayad sa mga responsibilidad ninyo sa mga tindahan sa barangay!”

May bigat sa tono ng kaniyang boses.
Nagulat ang dalawa sa narinig, sabay baling ng tingin kay Sarge Marquez.

“Nakakahiya kung malaman ng CO at ng higher headquarters na may utang tayo sa mga tao dito sa barangay,” mariing sabi ni 1LT Diesmil.

Pagkaraan ng ilang sandali, nagpaalam na rin sina Sgt. Fotic at Cpl. Belarmino. Halata sa kilos nila ang inis kay Sarge Marquez.

✨ Itutuloy bukas… ✨

💬 “Ano ang gagawin nila Sarge Fotic at Cpl Belarmino? Tama ba ang hakbang na ginawa ng kanilang CO? Tunghayan sa susunod na kabanata.”

🔖 © 2025 Jeff Somera | All rights reserved

🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT! By Jeff SomeraPART 17Bago pa man mapisil ang gatilyo na kikitil sa buh...
07/11/2025

🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT!

By Jeff Somera

PART 17

Bago pa man mapisil ang gatilyo na kikitil sa buhay ng kaaway, nasilayan ni Sarge Marquez ang senyas na matagal na niyang hinihintay mula kay Ka Britus.

Hindi siya nagkamali sa nakita niya — nakaangat ang hinlalaki nito, isang tahimik ngunit malinaw na pahiwatig ng tagumpay.

Gayunman, hindi pa rin siya nagkumpiyansa. Hangga’t hindi nakakabalik si Ka Britus sa sariling posisyon, hindi niya inaalis ang hintuturo sa gatilyo ng kanyang M4.

Mula sa di-kalayuan, dahan-dahan niyang nasaksihan kung paano tumindig si Ka Britus, nakataas pa rin ang kamaong may hawak na simbolo ng kapayapaan.

Pagkatayo nito, nakita niyang kinamayan nito ang kausap — ang dating kalaban — saka naglakad pabalik, hindi inaalis ang tingin sa mga kasamahang nagmamasid mula sa mga punong nagkukubli sa kanila.

Lumipas ang halos isang oras mula nang mapapayag ni Ka Britus ang mga dating kasamahan na magkusang-loob na sumuko.

Ngayon, magkasama silang kumakain ng maagang tanghalian sa lilim ng mga punong narra, habang ginagamot ng mga sundalo ang sugatang kabilang panig.

Sa kabilang panig ng kanilang kinalalagyan, hawak ni Sarge Marquez ang radyo.

Naiparating na niya sa kanilang Commanding Officer ang magandang balita — isang tagumpay na walang patak ng dugong umagos. Halatang-halata ang tuwa sa tinig ng CO.

Ang operasyon laban sa mga illegal loggers, na siyang pangunahing layunin, ay tila nagbunga pa ng mas mahalagang tagpo: ang kapayapaan.

Kasabay ng hangin, narinig ang dagundong ng mga rotor blades. Paparating ang mga reinforcement mula sa kanilang batalyon. Saka isasakay ng helicopter ang mga sumukong rebelde na magdadala sa kanila sa headquarters.

Sampung minuto bago mag-alas dose, dumating sina Cpl. Belarmino at ang apat na kasama, buhat ang sugatang anak ni Ka Britus.

Pagkarinig ng kuwento, tila nabigla si Belarmino.

Kita ni Sarge Marquez ang bahagyang panghihinayang sa kanyang mga mata — isang timpla ng respeto at pagsisisi.

Nagsilapitan ang mga sumukong kaaway nang makita ang sugatang anak ng kanilang dating pinuno.

Pinanood lamang sila ni Sarge Marquez — tahimik, ngunit mapanuri.

Ramdam niya ang bigat ng damdaming namamagitan sa kanila: pag-ibig, paggalang, at isang uri ng katapatan na hindi basta nabubura kahit nagbago na ang panig.

Marahil iyon ang dahilan kung bakit walang alinlangan nilang sinunod ang pasya ni Ka Britus — kahit pa kapalit nito ang pagtalikod sa ideolohiyang ilang taon nilang ipinaglaban.
________________________________________

Isang linggo ang lumipas. Sa loob ng kampo ng Bravo Company, nagbago ang ihip ng hangin para kay Sarge Marquez.

Mula sa isang tahimik na NCO at hinde tanggap ng mga dinatnan, ngayo’y siya ang sentro ng kwento sa bawat usapan. Kumalat sa bayan ang balita — ang matagumpay na pagsuko ng kilalang lider ng Pulang Araw sa kanilang hanay.

“Maghanda kayo,” wika ni Sarge Marquez sa kanyang mga tropa habang nagtipon sa formation.

“Dalawang araw mula ngayon, dadalaw ang mga pinuno natin. Isang malaking okasyon ’to.”

Nagpalakpakan ang mga tropa nang marinig na kasama sa bibisita ang kanilang Brigade Commander, si BGen Alfredo Duterte, at ang Battalion Commander, Lt. Col. Ferdinand Morales.

“Kung matuloy ’yan, first time ’yan ang una may makakapak na Heneral sa kampo natin!” sigaw ng isang tropa sa likuran.

Ngumiti si Marquez. “Isang karangalan ’yan, kaya siguraduhin n’yong malinis at maayos ang kampo bago sila dumating.”

Nagpaalam ang mga tropa bago nagsipaghanda, kanya-kanyang tungkulin, kanya-kanyang sigla.

Nang matapos ang pagpupulong, naglakad si Sarge Marquez patungo sa kanilang maliit na garden. Ang mga butil na itinanim nila noong isang linggo ay nagsisimula nang sumibol — maliliit na berdeng dahon na tila sumasabay sa simoy ng hangin.

Sa di-kalayuan, ang mga punla ng talong at sili ay nagsisimula na ring mabuhay. Sa katahimikan ng hapon, bahagyang ngumiti si Marquez.

Sa gitna ng giyera, at masalimuot na mundo may mga bagay pa ring tumutubo. Mga nilalang na pilit inaangkin ang espasyong inilaan ng mundo sa kanila.

Ngunit bago pa niya maikot ang buong kampo, narinig niya ang tawag mula sa paging system.
“Sergeant Marquez, report to the CO’s quarters.”

Agad siyang nagmamadali. Sa kanto ng mga kubo, nasalubong niya si Cpl. Belarmino, papalabas sa opisina ni 1LT Diesmil.

Pagpasok, agad siyang sumaludo. Pinaupo siya ng kanyang opisyal.

“First,” panimula ni 1LT Diesmil, “sa pagdalaw ng Brigade Commander at CO natin, magkakaroon ng awarding ceremony.”

Sandaling tumigil ito, bago muling nagsalita.
“...sina Cpl. Belarmino at Sgt. Fotic sana ang pinaka-senior na isasama ko sa mga pararangalan.”

Saglit na natahimik ang silid.

Nakita ni 1LT Diesmil ang pagbabago sa mukha ni Sarge Marquez — ang pagdilim ng kanyang mga mata, ang unti-unting pagtigas ng panga.

Tahimik siyang napalunok, pinilit itago ang emosyon.

Sa loob-loob ni Marquez, may kumislot na tanong.

⚜️Ano ang nasa isip ni Sarge Marquez? Abangan sa susunod na kabanata.

✨ Itutuloy bukas… ✨

🔖 © 2025 Jeff Somera | All rights reserved





I got over 300 reactions on my posts last week! Thanks everyone for your support! 🎉
06/11/2025

I got over 300 reactions on my posts last week! Thanks everyone for your support! 🎉

06/11/2025

Tara mga Idol Follow to Follow tayo!





🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT!By Jeff Somera Part 16“K-kakausapin ko sila, sir!”Parang nag-echo sa pa...
05/11/2025

🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT!

By Jeff Somera

Part 16

“K-kakausapin ko sila, sir!”

Parang nag-echo sa pandinig ni Sarge Marquez ang sinabi ni Ka Britus.

“Paano mo gagawin iyon?”

May pagdududa si Sarge Marquez, lalo pang pinapalala ng mabagal na hakbang ng kaharap. Sa anumang sandali, puwede nang malantad ang kanilang presensya sa mga nakatagong kaaway.

“Ako ang mauuna, sir, at ako lang ang kakausap sa kanila. Ang mga nariyan ay mga dati kong pinamumunuan, at naniniwala akong may tiwala pa rin sila sa akin.”

Tahimik na nakinig si Sarge Marquez.
“Nasa likod lang kayo, at kung hindi ko sila makumbinsi…”

Napalunok si Ka Britus. “Kayo na ang bahala, sir!”
“Pwede kang masawi sa gagawin mo!” paalala ni Sarge Marquez.

“Nakahanda akong tanggapin ang kapalaran, sir! Ang gusto ko lang, kahit papaano, ay mabigyan ng opsyon ang mga kasamahan ko. Kaligayahan ko na masawi kasama sila kung iyon ang hihilingin ng pagkakataon.”

Tinitigan ni Sarge Marquez ang kausap. Delikado man ang hakbang, pinili niyang bigyan ng pagkakataon si Ka Britus. Ano man ang mangyari, malinis ang kanyang konsensya.

Tinawag niya si Cpl. Palisoc at ipinaliwanag ang plano. Sa ekspresyon ni Cpl. Palisoc, halatang hindi siya makapaniwala. Pumayag naman si Ka Britus, kasabay ng mga kundisyon para sa maayos na pagsuko kung sakali.

Si Sarge Marquez na rin ang nagboluntaryong sumunod kay Ka Britus papasok sa kampo ng kaaway, kahit puwede itong ikapahamak. Nakita niya ang pagdududa sa mga kasama, pero may hangarin siyang gawin ang isang bagay na hindi pa niya nagagawa bilang sundalo.

Kalaunan, isinagawa na ang plano. Ramdam na ni Sarge Marquez ang gutom, at alam niyang ganun din ang mga kasamahan. Kailangan nilang maisagawa ang misyon nang mabilis at maayos.

Sinundan ni Sarge Marquez si Ka Britus sa masukal na bahagi ng gubat, at nagulat siya nang makita ang lihim na daanan papasok sa kampuhan. Akalain mong puno ng buho ang paligid—yun pala, may nakatagong daanan.

Sa layong labinlimang metro, tanaw niya ang likod ng bihag. Isang maling hakbang lang at mapipilitan siyang gawin ang ayaw niyang gawin. Mula sa pinagtaguan, nakita niyang nilapitan na ni Ka Britus ang mga kasama. Walong katao ang nakita niya.

Karamihan ay nakasandal sa tapyas ng burol, mahirap silang tamaan mula sa taas. Ang lokasyon niya at ang bahaging napuntahan nila kanina lang ang tanging puwede makapinsala sa mga nakatago.

Kita niya ang saya sa mukha ng mga nakakita sa hawak nilang bihag. Maya-maya, biglang humigpit ang hawak nila sa sandata at bumalik sa pinagtataguan. Isa ang nakatutok na baby kay Ka Britus.

Nakita ni Sarge Marquez ang pagka-balisa ng mga naroroon. Bagaman mahina, pinipilit pa rin ni Ka Britus na kumbinsihin ang mga kasamahan kahit nakatutok ang baril sa mukha nito.

Ilang sandali pa, bumaba ang baril. Naging seryoso ang mukha ng mga kaharap na dati’y galit.

Nakahanda na si Sarge Marquez. Tinantiya niya, batay sa karanasan, kaya niyang patumbahin ang apat sa loob ng pitong segundo. Pero ang inaasahang maayos na usapan ay nauwi sa pagtatalo. Ang iba na kalmado kanina ay biglang nataranta, alam nilang bawat saglit ay mapanganib.

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Sarge Marquez. Hanggang wala ang senyas mula kay Ka Britus, hindi siya kikilos.

Ilang sandali pa, umalingawngaw ang iyakan ng mga babae sa kuta, kasabay ang paninisi kay Ka Britus. Maya-maya’y nabual ito dahil sa suntok.

Sa pagkakataong iyon, nakahanda nang hilahin ni Sarge Marquez ang gatilyo—ang hudyat sa kanyang mga kasama upang umatake.

Sa isip, nagbilang siya ng sampu:
10, 9, 8, 7, 6, 5, 4, 3, 2…

✨ Itutuloy bukas… ✨

💬 “Ano kaya ang magiging kahihinatnan ng desisyon ni Sarge Marquez?
Tunghayan sa susunod na kabanata.”

🔖 © 2025 Jeff Somera | All rights reserved

🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT!By Jeff Somera📖 Part 15Nabaling ang tingin ni Sarge Marquez sa tuktok n...
02/11/2025

🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT!

By Jeff Somera

📖 Part 15

Nabaling ang tingin ni Sarge Marquez sa tuktok ng matayog na punong lawaan na hindi kalayuan sa kanilang pinagtigilan. Napansin niya ang dalawang unggoy na waring nagmamasid sa kanila mula sa itaas.

Nagpasalamat siya nang mapansing hindi agresibo ang mga ito. Sa mga nauna niyang karanasan, nagiging marahas ang mga hayop na iyon kapag nakakakita ng tao. Ang pagyugyog nila sa mga sanga ay maaaring makatawag ng pansin ng kanilang mga target.

Nang makaalis na ang unang pangkat, iginiya ni Sarge Marquez ang galaw ng kanyang yunit patungo sa napagkasunduang lugar ng paglalatagan. Mabilis ngunit maingat silang naglakbay sa humigit-kumulang sandaang metrong layo, patungo sa tinukoy na punong banaba.

Nauna sa paglakad si Ka Britus, at nasa likuran lamang niya si Sarge Marquez—nakikiramdam, gising ang lahat ng pandama. Bumalik sa alaala ni Sarge Marquez ang mga labang kanyang napagdaanan.

Minsan, kahit gaano pa sila kaingat, nauunahan pa rin sila ng mga kalaban ng pamahalaan. May mga pagkakataong nalalagasan sila dahil sa kapabayaan, kahit pa kabilang sila sa piling kasapi ng elite unit.

Kung ganoon nga, paano pa kaya ang mga ordinaryong sundalo? Kailangan niyang masiguro na ligtas ang lahat—sa lahat ng paraang alam niya.

Ilang sandali pa, natanaw ng pangkat ni Sarge Marquez ang punong banaba. Lalong naging maingat ang bawat kilos. Nakahanda na ang kanilang mga armas; sa anumang oras ay maaaring sumiklab ang putukan.

“Dito tayo, sir,” mahinang sabi ni Ka Britus, sabay turo sa daraanan. Patungo sila sa batong binanggit niya—ang lugar kung saan maaaring matanaw ang mga kalaban.

Agaran namang sumunod si Sarge Marquez at ang kanyang pangkat. Ilang saglit pa, nakapuwesto na sila sa mga lugar na maaari nilang pagtaguan. Bahagyang pinakiramdaman ni Sarge Marquez ang paligid. Lumipas ang ilang sandali, ngunit wala pa rin siyang narinig na kakaiba sa tinutukoy ng kanilang bihag.

Naisip niya na baka wala pa ang mga kalaban sa nasabing lugar—marahil ay paparating pa lamang. Kung gayon, maaaring mabulaga ang mga kasamahan niyang nakapwesto sa bandang kaliwa ng hinihinalang taguan.

Nagpasya siyang lumapit pa sa malaking bato. Naghanap siya ng puwang upang matanaw ang ibaba. Sa marahang simoy ng umagang hangin, bahagyang gumalaw ang mga damo—kinuha niya ang pagkakataong iyon upang makalapit pa.

Sampung metro mula sa hinihinalang taguan, nakarinig si Sarge Marquez ng impit na boses, sinundan ng mga bulungang halos hindi marinig. Ilang sandali pa, isang tinig na puno ng kirot ang umalingawngaw—at agad ding napawi.

Mabilis siyang bumalik sa kanyang mga kasama at kinumpirma ang presensya ng mga kaaway. Agad silang nagsidapa, gumapang palapit sa bangin kung saan matatanaw ang pinaghihinalaang taguan.

Napansin ni Sarge Marquez na tila ayaw nang gumalaw ni Ka Britus sa kinauupuan. Nangingilid ang luha nito at nakayuko—waring binabagabag ng konsensya sa maaaring kahinatnan ng dating mga kasamahan.

“Baka may iba pang paraan, sir,” mahinang sambit ni Ka Britus nang tanungin ni Sarge Marquez ang kanyang saloobin.

Nakapwesto na sila; anumang sandali ay maaaring sumiklab ang labanan. Ngunit naroon sa tabi niya ang isang dating kumander—nagsusumamo, naghahanap ng ibang paraan upang mailigtas ang mga dati niyang kasamahan. Tinitimbang ang kapakanan ng sariling anak laban sa magiging kapalaran ng grupong kinaaaniban.

“Kung lalaban sila, wala tayong magagawa kundi protektahan ang ating sarili,” matatag na sagot ni Sarge Marquez. Ramdam niya ang pananabik ng kanyang mga kasamahan—tanging utos na lamang niya ang hinihintay upang simulan ang paglusob.

“Kung hindi ba sila lalaban… hindi ba sila masasaktan?” may bahid ng pag-asa sa tinig ni Ka Britus.

“Posible ba ’yan sa ganitong sitwasyon?” seryoso pa rin ang tono ni Sarge Marquez. May naglalaro sa kanyang isipan—halos nasa kamay na nila ang tagumpay, ngunit kung magdadalawang-isip pa siya, baka sila pa ang malagay sa alanganin.

“Kakausapin ko sila, sir,” mariin ngunit puno ng pag-asa ang boses ni Ka Britus.

Hindi maitago ni Sarge Marquez ang pagkabigla sa kanyang narinig.

At sa katahimikan ng kagubatan, bago pa man sumiklab ang unang putok—isang desisyon ang kailangang gawin.

✨ Itutuloy bukas… ✨

💬 “Kung ikaw si Sarge Marquez, susugal ka ba sa rekomendasyon ni Ka Britus?”

📌 Don’t forget to React, Comment, and Share for more updates.

🔖 © 2025 Jeff Somera | All rights reserved

“Para sa Bayan: Ang Huling Bantay ng Yultong”(Isinulat ni Jeff Somera)IV. Ang Muling Paglalakad“Anak ng Pilipinas,” may ...
01/11/2025

“Para sa Bayan: Ang Huling Bantay ng Yultong”

(Isinulat ni Jeff Somera)

IV. Ang Muling Paglalakad

“Anak ng Pilipinas,” may mahinang tinig siyang narinig. Paglingon niya, nandoon ang iba pang kaluluwang sundalo—mga kapwa niya Pilipino, mga Koreano, pati ilang banyagang kaalyado.

Nakatayo silang lahat sa linya, parang naghihintay ng utos.

“Bakit ako naiwan?” tanong ni Emmanuel.
Sumagot ang isa, isang matandang opisyal na anino, “Hindi ka naiwan. Ikaw ang tagapag-ingat ng alaala. Hangga’t hindi kayo nakikilala, kailangan mong manatili.”

Tahimik siyang tumango. Sa di kalayuan, naririnig niya ang bugso ng hangin, dala ang himig ng “Bayan Ko.” Habang tinatangay ng lamig, nakaramdam siya ng lukso ng damdaming bibihira niyang maramdaman sa nagdaang mga taon.
________________________________________

V. Ang Bisita sa Burol

Sumapit ang Araw ng mga Kaluluwa sa kasalukuyang taon. Isang grupo ng mga turista ang bumisita sa Yultong Memorial. Ang dalawa sa kanila ay Pilipino, sina Col. Emmanuel Angelo Ramos at ang anak na si Lt. Emmanuel John Ramos Jr, nagdala sila ng maliit na watawat ng Pilipinas.

Habang nakatayo sila sa harap ng monumento, nagsalita si Emannuel Angelo:
“Para kay Lolo na nagbuwis ng buhay sa lupang ito, sana’y matagpuan mo ang kapayapaan!”

Nagsalita rin Emmanule John:
“Para sa mga bayani—kilala man o hindi—maraming salamat.”

Inilapag nila ang bulaklak sa lupa.

Sa likod nila, nakatayo si Emmanuel. Unang beses sa loob ng pitumpung taon na may naramdaman siyang koneksyon sa mga dumalaw na buhay.

Lumapit siya, pinagmasdan ang korte ng mukha: may hawig sa babaeng minahal ng lubusan ngunit hinde na kailanman nabalikan.

Yumuko at tiningnan ang mas batang Emmanuel: may hawig sa anyo ng kaniyang kilay, sa ningning ng mga mata, at hugis ng tainga. Itinapat ang kanyang kamay sa dibdib at marahang ibinulong:
“Salamat, apo. Sabihin mo sa kanila… nandito pa rin kami.”

Sa sandaling iyon, biglang umihip ang hangin. Umikot ang mga dahon, at ang watawat na dala ng binata ay kumampay nang masigla. Napatingin ang batang, napangiti. “Parang may humahawak,” sabi niya sa kaniyang ama.

Hindi nila alam, sa likod ng kanilang mga larawan, makikita sa ulap ang anyo ng isang nakasaludong sundalo, nakangiti, nakatingin sa silangan.

VI. Ang Pagpapaalam

Sa huling pagkakataon, tumingin si Emmanuel sa paligid. Ang dating larangan ng digmaan ay natabunan na ng damo at bulaklak. Wala na ang mga putok, wala na ang takot—pawang kapayapaan na lamang.

Muli, parang nakarinig siya ng tinig babaeng nagmamahal.

“Magpahinga ka na, papa.”

Unti-unti siyang nilamon ng liwanag. Ang kanyang rifle ay nalaglag sa lupa, naging alabok. Ang kanyang uniporme ay naglaho kasabay ng hamog.

Ngunit bago siya tuluyang maglaho, bumulong siya sa hangin:
“Sabihin mo sa mga Pilipino na tinatamasa ang tamis ng kapayapaan… huwag kaming kalimutan.”

At sa unang sinag ng araw sa Yultong, may ibong dumapo sa tuktok ng monumento. Sa ilalim nito, tila may bagong ukit na letra sa marmol:
“PFC Emmanuel Dela Cruz – 10th BCT, PEFTOK.”

VII. Sa Lupang Sinilangan

Sa Abra, biglang napansin ni Nanay Emmanuela na kumislap ang kandilang inialay niya. Isang malamig na hangin ang pumasok sa kanilang bahay, ngunit hindi nakakatakot—bagkus, tila may dalang kapayapaan.

Napangiti siya. “Papa…” bulong niya. “Namiss ka ni mama.”

Lumipas ang mga taon, itinayo ng pamilya ni Aling Rosa ang isang maliit na lapida sa sementeryo, may nakaukit na simpleng mensahe:
“Para sa mga anak ng bayan na di na nakabalik. Sa bawat hanging dumadampi sa bundok ng Yultong, naroon ang kanilang tapang at dangal.”
________________________________________
Epilogo

Sa Yultong, patuloy na humihip ang hangin. Wala nang nakikitang kaluluwa. Ngunit sa gabi ng Nobyembre, may mga sundalong Koreano na nagsasabing nakakarinig pa rin sila ng marahang yabag, parang nagbabantay.

At minsan, kapag sumasapit ang alas-dose ng gabi, maririnig ang mahinang tinig:
“Mabuhay ang Pilipinas…”

Kasabay nito, iisang liwanag ang sisiklab sa di kalayuan—tila kandilang pinapailawan ng isang nangungulilak anak, sa alaala ng bayaning ama. End

"Alay ko sa mga sudalong hindi na nakilala ngunit nagbuwis ng buhay para sa sintang bayan."





🫡ALAY KO SA MGA SUNDALONG HINDI NA NAKILALA NGUNIT NAGBUWIS NG BUHAY PARA SA SINTANG BAYAN!.“Para sa Bayan: Ang Huling B...
30/10/2025

🫡ALAY KO SA MGA SUNDALONG HINDI NA NAKILALA NGUNIT NAGBUWIS NG BUHAY PARA SA SINTANG BAYAN!.

“Para sa Bayan: Ang Huling Bantay ng Yultong”

(Isinulat ni Jeff Somera)

1 of 2

Tahimik ang burol ng Yultong na nasasakupan ng South Korea sa gabing iyon. Ang hangin ay malamig, dumadampi sa mga tuyong damo na tila nagbubulong ng mga lihim ng digmaan. Sa ilalim ng manipis na ulap, may isang aninong gumagalaw—isang lalaking may suot na lumang uniporme ng sundalong Pilipino.

Ang kanyang pangalan: Private First Class Emmanuel Dela Cruz, 10th Battalion Combat Team, Philippine Expeditionary Forces to Korea—PEFTOK.

Mahigit pitumpung taon na ang lumipas mula nang bumagsak siya sa burol na ito. Ngunit sa bawat Araw ng mga Kaluluwa, muling bumabalik ang kanyang diwa. Hindi siya mapanatag.

I. Ang Burol ng mga Alaala

“Dito na tayo pupwesto, mga kasama!” naalala ni Emmanuel ang tinig ng kanilang opisyal, habang humuhukay sila ng trintsera. Inaayos nila ang depensang iniwan ng mga naunang lahi na kabilang sa United Nation Expeditionary forces na pinangungunahan ng bansang Amerika.

Madaling araw ng Abril 22, 1951—naganap ang kahindikhindik na Labanan sa Yultong. Sa gitna ng dilim na sinabayan ng marahang pag-ambon, libo-libong sundalong Intsik ang dumarating, parang alon na walang katapusan.

Habang bumubuhos ang putok ng kanyon, binunot ni Emmanuel ang kanyang lumang M1 Garand sa kinalalagyan nito. “Para sa bayan!” sigaw niya. Gusto niyang lunurin sa sariling sigaw ang dumadagundong na putok ng mga baril na sinabayan ng malalakas na sigaw ng mga paparating na mga kaaway.

Ngunit mabilis ang pangyayari. Isang putok ng mortar, isang sigaw, at biglang lumabo ang lahat. Ang huling tanaw niya ay ang watawat ng Pilipinas na nakadikit sa uniporme ng kasama. “Mabuhay ang Pilipinas…” iyon ang kanyang huling salita bago tuluyang nagdilim ang paligid.

Pagmulat niya, tahimik na. Wala nang putukan, wala na rin ang mga kasama. Wala na ang mga kaaway, ang mga kagamitang pandingma – maging ang mga kasapi ng UN forces, wala naring mga bakas. Sa halip, malamig na hangin at makapal na damo na binalot ng hamog ang nakabanig sa dating trensera. Nais niyang sumigaw, ngunit walang makarinig. Tila ba iniwan siya ng mundo.

II. Ang Pagkalimot

Lumipas ang mga taon. Naging kaluluwa siyang nagpalutang-lutang sa burol ng Yultong. Tuwing lilipas ang mga dekada, nakikita niya ang pagbabago—mga banyagang bumibisita, mga monumentong itinayo, mga bulaklak na iniaalay sa mga di-kilalang sundalo.

Ngunit sa tagal ng panahon, wala ang kanyang pangalan sa mga marmol.

Walang “Emmanuel Dela Cruz” sa listahan ng mga bayani. Laman palagi ng kaniyang dibdib na kinalimutan na siya ng bayang pinagsilbihan ng buong puso at tapang, at ng bansang pinag-alayan ng kaniyang buhay.

Sa tuwing may magawing mga Pilipinong turista, na madalang mangyari, o sundalo ng South Korea, sinusundan niya ang kanilang mga yapak. May mga batang nag-aalay ng bulaklak, may mga beteranong ibat-iba ang lahi na nagluluhod sa lupa, umiiyak. Ngunit walang nakakakita sa kanya – walang nakakaramdam sa hinagpis na pumipiga sa kaniyang puso.

Isang gabi, habang tahimik ang lugar sa ingay ng mga turista, humarap siyang muli sa monumento. Hinaplos niya ang malamig na bato. “Nasaan ang pangalan ko rito?” mahina niyang tanong. Pamilyar ang ibang mga pangalan. Ngunit ang sa kaniya, wala, kahit isang titik ng kanyang pangalan.

Tila sumagot ang hangin sa pamamagitan ng mahinang bulong—parang mga sigaw ng kanyang mga kasamang matagal nang hindi nakita.
________________________________________
III. Ang Tawag ng Kandila

Libu-libong milya mula sa Yultong, sa isang maliit na baryo sa Abra, isang matandang babae ang nag-aayos ng mga gamit sa kanilang lumang tahanan.

Sa isang lumang libreta, tumambad ang lumang larawan ng isang matipunong sundalo. Halos di na mapansin ang ibang parte, maliban sa mukha na halos mababakas ang pagkahawig niya sa mata, tangos ng ilong at ang hugis ng mukha.

Iniangat ni Nanay Emannuela ang larawan. Palaging sinasabi dati ng kaniyang ina na kahawig niya ang kaniyang ama. Amang hinde niya kailan man nakita ngunit pinag-isa ng kanilang mga pangalan.

Dala ang larawang, inilapag ito sa tabi ng larawan nang namayapang ina, saka tinungo ang maliit na altar sa sala ng kanilang bahay at nagsindi ng kandila.

“Papa, kung nasaan ka man, sana maayos kang nagpapahinga,” bulong ni Nana Emmanuela habang pinapailawan ang kandila. “Hindi man kita nasilayan, o ‘di ko man nadama ang yakap at pag-aaruga mo, pero hindi kita nakalimutan.”

Ang liwanag ng kandila ay umangat, tila isang ningas na may sariling buhay. Sa parehong sandali, sa Yultong, napansin ni Emmanuel ang kakaibang liwanag sa malayo—isang sinag na tila tumatawag sa kanya.

Lumapit siya, at habang ginagawa iyon, naramdaman niyang bumabalik ang lahat ng alaala: ang halakhak ng kasintahang si Ariela, ang amoy ng pinipig sa dinaluhan nilang pista, ang kilig na nadama sa pagdampi ng kanilang katawan habang sumasayaw sa saliw ng Love Me Tender ni Elvis Presley, ang unang halikan nila na bumuhay sa lahat ng ugat sa kaniyang katawan, at ang matamis na sandaling pinagsaluhan nila bago ang pag-alis ng kanilang Battalion upang lumaban sa lupang kung saan na siya nakakulong ng mahabang panahon. (Itutuloy)





🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT! By Jeff Somera📖Part 14“Nag-iisa kong anak ang hawak ninyo, Sir!” Magaa...
28/10/2025

🌟 SARGE MARQUEZ, ANG MALIGALIG NA FIRST SERGEANT!

By Jeff Somera

📖Part 14

“Nag-iisa kong anak ang hawak ninyo, Sir!” Magaan ang boses ni Ka Britus, ngunit ramdam ang kalungkutan nito. “Matanda na ako…” pinakawalan niya ang naipong hangin sa dibdib. “…nagawa ko na ang lahat ng gusto kong gawin sa mundo. Wala nang mas hahalaga pa sa buhay ng anak ko.” Nabasag ang boses niya sa huling tinuran.

Nagkatinginan ang mga kasamahan ni Sarge Marquez.

Ngunit iba pa rin ang nararamdaman nito. May bahagi ng utak niya na nagsasabing huwag basta kumagat sa naririnig—na panatilihing dalisay ang pag-iisip, walang bahid ng anumang damdamin, upang mabasa nang maayos ang mga mensaheng pilit ikinukubli ng hangin.

“Tingnan natin mamaya,” magaan lang ang sagot ni Sarge Marquez.

Maalumamay ang tingin na iginanti ng kausap, sabay bawi at muling tinahak ang daan.
Pagkalipas ng ilang minutong paglalakbay, isang masukal na logging road na naman ang kanilang nilabasan.

Agad na pinahinto ni Sarge Marquez ang naunang sundalo. Ilang minuto rin silang nakiramdam sa paligid.

“Malapit na rito ang taguang-atrasan namin,” bulong ni Ka Britus kay Sarge Marquez.
“Gaano kalayo?” seryosong tanong ni Sarge Marquez.

“Mula rito, mga isang daang metro… may malaking punong banaba. Mula sa puno, mga dalawampung metro pa, may bangin.” Ginamit niya ang mga kamay upang bigyang-diin ang sinasabi. “Doon sa ibaba ng bangin, may malilim na taguan na natatakpan ng mga punong talahib.” Ikinumpas-kumpas pa ni Ka Britus ang mga kamay habang nagpapaliwanag.

Marahang nakikinig sina Sarge Marquez at Cpl. Palisoc, ang tumatayong team leader ng ikalawang grupo.

“Kung manggagaling tayo rito, saan ang magandang approach upang hindi tayo kaagad mapansin?” tanong ni Sarge Marquez.

“Itong logging road,” kampanteng sagot ni Ka Britus. “Kahit magkumpulan kami sa ibaba, walang nakakapansin sa amin. Palagi lang kaming dinadaanan ng mga sundalo,” dagdag pa niya.
Nagkatinginan muli sina Sarge Marquez at Cpl. Palisoc.

Inilabas ni Sarge Marquez ang dalang mapa. Sa gamit na GPS, inalam niya ang kanilang lokasyon. Nang makuha ang datos, agad niya itong tinukoy sa mapa, saka tumingin kay Ka Britus.

“Saan ang lokasyon ng bantay kapag nasa ibaba kayo?” Matalim ang tingin niya sa kausap. Ang kaninang maaliwalas na mukha ay naging seryoso—nagsalubong ang kilay at lumalim ang mga kunot sa noo.

Ramdam ni Sarge Marquez ang pag-init ng kaniyang katawan. Pamilyar siya sa ganitong pakiramdam. Ilang beses na niya itong naranasan, at iisa lang ang naging hantungan—may hindi magandang mangyayari.

“Wala kaming inilalagay na bantay kasi kampante kami na walang nakakaalam sa lagusan naming papasok,” mahina ngunit diretso ang sagot ni Ka Britus.

“Kung ikaw ang magdadala ng tropa, saan ang magandang pwestuhan ng mga sundalo?” tanong ni Cpl. Palisoc.

Nakita ni Sarge Marquez ang paglaki ng mga mata ni Ka Britus sa narinig. Naramdaman niyang dumaloy ang takot sa kaibuturan nito; napansin din niyang napalunok ito, hindi agad makapagsalita, at bahagyang nanginginig ang mga kamay.

Sa mga naunang pagkakataon, pumapasok sa puso ng mga kagaya ni Ka Britus ang awa at panghuhusga sa sarili dahil sa inaasahang sasapitin ng mga dating kasamahan. Naroon pa rin ang simpatiya sa kanila.

Naghanda si Sarge Marquez—baka kung ano ang gawin ni Ka Britus kapag tuluyang napagtanto niyang ibinibenta na niya ang kaluluwa ng mga dating kasamahan sa kawit ni kamatayan.

Napansin niyang tumulo ang luha nito. “Patawarin na lamang ako ng mga dati kong kasama,” bulong nito sa sarili, ngunit narinig pa rin ng mga nasa paligid.

“Sa puno ng banaba, may bato ro’n, at puwede nang makita ang mga nasa taguan.” Basag ang boses ni Ka Britus, sabay punas ng luha at sipon.

Agad na kinausap ni Sarge Marquez sina Cpl. Palisoc at ang mga kasama. Ibinilin ang gagawin. Wala mang kasiguraduhan kung naroon nga ang kanilang pakay, ngunit sa mga indikasyong ipinakita ni Ka Britus, mataas ang porsiyento na tama ang sinabing taguan.

Sa mga oras na iyon, malapit nang tumapat sa ika-siyam ng umaga ang maliit na orasan sa relo ni Sarge Marquez. Ramdam na niya ang gutom, ngunit agad niyang pinawi ang nararamdaman. Mas marami silang makakain kung magtatagumpay sila sa kanilang misyon.

Ilang sandali pa, nagsimulang gumalaw ang unang team. Lingid sa kanilang kaalaman, may dalawang pares ng matang kanina pa nagmamasid sa kanilang mga kilos.

✨ Itutuloy bukas… ✨

💬 “Ano ang mangyayari sa hanay nila Sarge Marquez? Kung ikaw ba ang nasa ganuong sitwasyon, pagkakatiwalaan mo ba si Ka Britus”

🔖 © 2025 Jeff Somera | All rights reserved

Address

Tarlac
2300

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Jeff Somera Vlog posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Business

Send a message to Jeff Somera Vlog:

Share