26/09/2026
ALLEGASYON NG PAGHATID NG BILYON-BILYONG CASH KAY VP SARA, DAPAT SERYOSOHIN — ADIONG
Sinabi ni House prosecution panel spokesperson Rep. Zia Adiong na dapat seryosohin ang alegasyon na nakatanggap umano si Vice President Sara Duterte ng mga maleta na naglalaman ng bilyun-bilyong piso.
Ayon kay Adiong, maaaring may kaugnayan ang bagong alegasyon sa usapin ng “unexplained wealth” na kabilang sa mga artikulo ng impeachment laban sa Bise Presidente. Gayunman, nilinaw niyang hiwalay ang naturang alegasyon sa kasalukuyang impeachment trial at hindi niya inaasahang direktang makaaapekto ito sa paglilitis.
Hinimok din ni Adiong ang National Bureau of Investigation (NBI) na seryosong imbestigahan ang mga pahayag.
Ito ay matapos sabihin ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr. sa isang eksklusibong panayam sa GMA News na naghatid umano siya ng mga maleta ng pera kay VP Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Rep. Paolo Duterte sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco. Ayon kay Gracioso, tinatayang higit ₱2 bilyon ang naihatid niya kay VP Sara sa mahigit 20 pagkakataon.
Samantala, itinanggi ni VP Sara Duterte ang alegasyon, sinabing hindi niya kilala si Gracioso at wala siyang natanggap na pera mula rito. Tinawag din niya itong “another media stunt” at iniuugnay sa umano’y pagtatangkang isalba ang impeachment case.
Sa ngayon, nananatiling alegasyon ang mga pahayag at wala pang pinal na imbestigasyon o desisyon na nagpapatunay sa mga ito.
News