05/06/2026
Opisyal nang napunta sa pribadong pamamahala ang Caliraya-Botocan-Kalayaan o CBK Hydroelectric Power Plants matapos itong makuha ng Thunder Consortium sa halagang β±36.3 bilyon.
Ang Thunder Consortium ay binubuo ng Aboitiz Renewables Inc., Sumitomo Corporation, at J-POWER. Sila ang nagwagi sa bidding matapos talunin ang FGKW Consortium.
Matatagpuan sa Laguna ang CBK power complex at may kabuuang kapasidad na 797 megawatts. Sakop nito ang tatlong pangunahing pasilidad: ang Caliraya Hydroelectric Plant sa Lumban, Botocan Hydroelectric Plant sa Majayjay, at Kalayaan Pumped-Storage Power Plant.
Noong Pebrero 2026, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang turnover ng naturang pasilidad bilang bahagi ng paglipat nito sa bagong operator.
Ayon sa pamahalaan, gagamitin ang malaking pondong nalikom mula sa bentahan upang makatulong sa pagbabayad ng mga natitirang obligasyon at utang ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation o PSALM.
Bukod dito, sinabi rin na ang matitirang pondo ay ilalaan sa mga proyektong makikinabang ang publiko, kabilang ang pagpapatayo ng mas maraming kalsada, paaralan, ospital, at iba pang imprastrakturang kailangan ng mga Pilipino.
Courtesy: tambaykamunapage