27/08/2026
Naalala ko noong unang akto ko bilang Jr. 3rd Mate. Sobrang saya ko noon. Galing akong OS at hindi ko akalain na mapo-promote ako bilang officer.
Pero pagdating ko sa barko, iba ang naging realidad.
Sa halip na ma-develop bilang junior officer, madalas akong gumagawa ng maintenance work, painting, chipping, at kung anu-ano pang trabaho na pang-rating. Pagkatapos ng working hours, gumagawa pa rin ako ng paraan para makatulong sa mga kasama kong officers.
Sa maneuvering, saka ko lang nasusuot ang uniform ko bilang officer. Pero isang araw, nagtanong lang ako tungkol sa paggamit ng parallel ruler. Sa isang simpleng tanong, nahusgahan ako na parang wala akong alam.
Eventually, hindi na ako pinasampa sa bridge during maneuvering. Ako ang pinapunta sa forward kasama ang bosun at Officer, habang ang cadet ang nasa bridge for my whole contract.
Masakit.
Bumaba ang confidence ko. May sama ako ng loob. Pero pinili kong manahimik at tapusin ang kontrata ko. Hindi ako gumanti.
Sa sarili ko, sinabi ko:
“Darating ang araw na may taong magtitiwala sa akin at makikita kung ano ang kaya kong gawin.”
At dumating nga.
Lumipat ako ng kumpanya. Nagpatuloy ang promotion. Unti-unting nabuo ulit ang confidence ko.
At isang araw, nagkita kami ng dati kong Chief Mate sa Kalaw.
Nakilala niya pa ako.
Tinawag niya akong “3rd Mate.”
Gusto ko sana siyang itama noon.
“Sir, Chief Mate na po.”
Pero hindi ko na sinabi.
Ngumiti na lang ako.
Hindi dahil gusto kong ipamukha kung saan ako nakarating.
Kundi dahil na-realize ko kung gaano kalayo ang narating ng isang taong minsang pinagdudahan ang sarili dahil sa treatment na natanggap niya.
Doon ko natutunan ang isang mahalagang lesson tungkol sa leadership:
Kung kaya mong maging mabuting leader, turuan mo.
Kung may pagkukulang, itama mo nang maayos.
Kung may hindi alam, alalayan mo.
Kung may potential, bigyan mo ng pagkakataong ipakita ito.
Huwag mong ipahiya ang tao dahil lamang sa hindi niya alam.
Huwag mong iparamdam na wala siyang kakayahan dahil lamang sa isang pagkakamali.
Dahil hindi mo alam kung gaano kalaki ang potential ng taong minamaliit mo ngayon.
Minsan, ang taong hindi mo pinagkatiwalaan ay magiging taong hindi mo inakalang magiging siya.
At bilang Captain, isa ito sa mga bagay na lagi kong tatandaan:
I will never forget how it felt to be the junior officer who needed guidance but was made to feel inadequate.
Kaya kung may junior officer, cadet, o crew member na nagtatanong sa akin ngayon, hindi ko siya pagtatawanan.
Tutulungan ko siyang matuto.
Dahil baka balang araw, siya naman ang maging Captain.
At kung naging bahagi ako ng journey niya, gusto kong maalala niya ako hindi bilang taong nagpababa ng confidence niya—
kundi bilang taong unang naniwala na kaya niya.
That, for me, is leadership. ⚓️
— Capt. JM