13/02/2025
Isang pagtatapat na ibinase sa Pagsibol: Mga Tula at Sanaysay ni Kim Berla
Sa rami ng mga taong pwede kong magustuhan, doon pa nahulog sa isang tao na tila isang bituin sa kalangitan na hindi maabot at nananatili lamang sa kanyang lugar upang pagmasdan at hangaan. Kay hirap pala talagang magmahal. Hindi ko inaakalang magugustuhan ko ang isang tipo mo. Sa katunayan, hindi nga kita nagustuhan noon nang tayo ay sabay na sumabak sa paghahanap ng kinatawan para sa isang patimpalak. Para kang masama tingnan at parang isang gangsta kung gumalaw. Siguro, ako ay naging masyadong mapanghusga sa 'yo noon. Ngayon, na ikaw na ang nais, napapatawa na lang ako sa mga naiisip ko tungkol sa 'yo noon. Hindi ka pala masama. Hindi ka pala isang gangsta. Bagkus, ikaw ay kabaligtaran ng aking mga naiisip. Ikaw ay maka-Diyos, matulungin, masayahin, at kay lakas ng iyong tindig na para bang lahat ng iyong nakasalamuha ay nagiging kaibigan mo at napapasaya mo.
Medyo nakakatawa kung paano ko nalaman ang mga bagay tungkol sa 'yo, dahil hindi naman tayo malapit at tanging ang mga kaibigan ko lang ang nakakakilala sa 'yo. Dahil sa kanila, mas nakilala kita at sila mismo ang nagsabi na napakabait mo raw talagang tao. Ikaw daw ang masiyahin, mapagbiro, mabait, at mahilig makipagkaibigan. May mga pagkakataon na ang ating landas ay nagkikita, kagaya ng mga araw na kami ay nagpupunta sa inyong silid-aralan kasama ang mga kaklase kong may dinadayo sa silid-aralan ninyo, at habang nasa harapan ng inyong silid-aralan, hindi man lang ako makatingin sa bintana dahil nahihiya ako at walang lakas na magpakita, kahit na hindi mo ako masyadong kilala. Palaging nasa gilid ng inyong silid-aralan at nagtatago mula sa mga pinto at bintana upang hindi ka makita. Ayaw kitang makita dahil nahihiya ako at hindi ko alam ang gagawin kung nariyan ka. Kahit nga sa mga araw na ang ating landas ay nagtutugma at nagkikita sa pasilyo, hindi ko man lang magawang makatingin. Sa mga araw naman na ikaw ay dumadayo sa ikatlong palapag upang manghiram ng kalkulador sa aming silid-aralan, kahit ako ay nasa aking salongsuso, hindi ko talaga ipinapakita ang aking mukha sa 'yo dahil sa takot at kaba.
Tinawag kitang isang bituin dahil para kang isang bagay na kay hirap makamit para sa akin. Ikinakahiya ko ang aking sarili tuwing ikaw ay lumalapit na para bang ako ay isang panis na mangga at ikaw ay kumikintab na mansanas. Hindi ako ang tipong may lakas ng loob sa pagpapahiwatig ng damdamin dahil hindi ko kailanman ginawa ang pagpapahayag ng aking nararamdaman sa isang taong nais kong ibigin. Minsan lang kung ako ay magkagusto sa isang tao at palagi akong hinaharangan ng aking kakulangan ng lakas ng loob. Siguro iyan ang mga dahilan kung bakit mas pinipili kong magparaya dahil tila ba ang pag-ibig ay isang sakit na lumulubog at lumilitaw.
Nais ko nang magpasalamat dahil kahit na marahil ikaw ay may ibang nagugustuhan, hindi mo man lang naisipang saktan ang aking damdamin. Nais kong magpasalamat noong tinulungan mo kami ng aking mga kaklase noong kami ay humingi ng tulong sa 'yo upang buhatin ang mga karton na aming dala-dala para sa pagbebenta ng mga pagkain para sa asignatura ng pagnenegosyo. Para sa pagpunta mo sa aking kaarawan, para sa bulaklak, para sa pagpayag mong magkaroon tayo ng litrato sa kubeta ng larawan, at noong inalok mo akong magkaroon tayo ng litrato muli noong salusalo ng pagpapasalamat na aking tinanggihan dahil sa kaba. Tunay at natural na mabait kang tao, Pagpupursige. Sana ipagpatuloy mo lang ang iyong kabaitan at sana makahanap ka ng pagmamahal.
Kagaya ng libro ni Kim Derla sa pahina limampu't dalawa, ako ay naniniwala na dumating na ang para sa akin. Sa ordinaryong panahon. Sa ordinaryong pagkakataon. Sa hindi inaasahang lugar. Sa hindi inaasahang araw. Naniniwala akong may dumating na. Mayroon nang nagbalik ng pag-ibig na aking ibinahagi sa iba. May nagbigay ng pag-asa. May nagdala na ng ngiti at tawa. Naniniwala akong may dumating na. At gaya naman ng pahina walumpu, ginamit ko na ang mapa ng pag-ibig patungo sa 'yo. Ito'y ginamit ko papalapit sa 'yo. Inaral ko na ang bawal simbolo na nakaukit rito. At binasa ko na ang mga panuto na nakalagay rito. Ginamit ko ang mapa upang makita ka lang. Hindi ko kinalimutan ang saya habang nasa daan.
Sa bawat hakbang, ginamit ko ang mapa ng pag-ibig. Hindi man kita agad nakita, naligaw man ako sa mga kalsada, naniniwala akong nahanap na kita. Kaya sana, bigyan mo pa ako ng oras at pag-asa. Sinusubukan ko pa kasing aralin ang dala kong mapa, sana kapag narating ko na ang dulo nito, nariyan ka pa. At kung hindi man ngayon, sigurado sa tamang panahon. Ngunit, kung hindi man tugma ang ating panahon, naway sana mahanap mo ang natatangi para sa iyo sa tamang panahon, Pagpupursige.
Sa lahat ng aking pagsuporta at pagmamahal, November.