01/05/2024
"RIZAL, HINDI MO NAPALAYA ANG PILIPINAS"
Nagising ako muli sa ibang panahon. Nagulat, ngunit pamilyar na ako sa panahon na ito. Nakarating na ako rito.
Mabilis akong tumayo upang hanapin ang mga bayaning minsan ko nang nakadaupang palad. Nasa panahon nila ako. Alam ko. Sigurado ako.
Ngunit unti-unti akong pinanlamigan nang makalabas ako sa silid na pinanggalingan ko. Bakit yari sa bato ang kabahayan? Bakit may flatscreen TV? Bakit wala na ang mga lumang kasangkapan? Bakit parang nasa kasalukuyan pa rin ako?
Naabutan ko sa sala sina Andres Bonifacio, Antonio Luna, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, at ang pambansang bayaning si G*t. Jose Rizal. Nagtatawanan.
Kumunot ang noo ko nang mapansing nakasuot sila ng mga makabagong damit. At ang pagkunot ng noo ay napalitan ng mahinang pagtawa. Sina Rizal, nakasuot ng ripped jeans? Ang mas malala pa, may bandana si Rizal sa ulo. At iba ang hairstyle. May kulay. Naka-bangs. Oppa!
"Yow, Alex." Si Bonifacio.
Gusto kong humagalpak ng tawa nang bungaran ako nang ganoon ni Bonifacio. Pero pinigilan ko ang sarili. Magiliw pa rin akong bumati.
"Magandang araw, mga ginoo," pagbati ko.
Rizal: "Luh. Ang baduy mo."
Luna: "Jejemon ka noh?"
Jacinto: "Eto na 'yung Maria Clara mo pre."
Mabini: "Papansin. Kulang sa aruga. 'Di ka siguro mahal ng mama mo."
Namutla ako sa narinig ko. Bakit ganito ang mga bayani? Nasaan na ang inirerespeto kong mga Pilipinong nagbuwis ng buhay nila para sa bayan ko? Bakit parang mga kabataang hindi natuturuan ng tamang asal ang kaharap ko?
Mayroong hinugot si Jose Rizal. Isang dyaryo. Ipinakita niya ito sa akin.
"Kutis Koreana in just 14 days." Iyon ang sabi sa Ad kasama ang isang maputing artistang kilala ko.
"Trip niyo na palang mag-kulay bangkay ngayon?" habol pa ni Bonifacio.
Hindi ko akalaing mapapangiwi ako. Ano ba 'tong pinasok ko? Bakit ganito ang mga kausap ko? Ni hindi na ako makapagsalita.
Napapalatak si Luna. "Punyeta. Sinabi ko na kasi sa inyo. Laban-laban pa tayo sa mga Kastila. Hinayaan nyo na sana tong mga bopols na 'to na mag-enjoy. Hindi umaalis sa bansa pero ang daming nakikitang foreigner. Tingnan mo 'tong Pinas ngayon. Puno ng mga Intsik, Koryano, pati Amerikano."
"Mga artista nga nila, half-blood na," natatawang singit ni Jacinto habang nakatingin sa hawak na smartphone. "Kahit adik pa 'yan o manyak. Basta maputla at matangos ang ilong, tinitilian na. Oy, teka. Ganda nito oh! Chicks. Mayaya nga sa inuman mamaya."
"Balita nga pala namin, inalis niyo na raw ang Panitikang Filipino sa college? Tapos ipapasok nyo pa bilang elective ang Hangul sa highschool. Nice. Level up na," sabad ni Mabini. "Paggamit nga ng 'nang' at 'ng', hindi niyo pa maayos eh."
"Huy. Tigilan niyo na nga 'yan. Chill na nga tayo rito oh," saway ni Rizal. "Jacints. Akin na lang 'yan. Kaka-break lang namin ni Leonor."
Pagkatapos ay tiningnan niya ako. Tiningnan niya ako gamit ang malungkot niyang mga mata. Walang buhay. Walang kinang. Mga matang nagpapanggap na masaya. Ngumiti siya pero ni hindi iyon umabot sa tenga niya. Pekeng ngiti kalakip ng mga walang-saysay na biro.
Walang anu-ano'y tumayo siya. Iniabot sa akin ang dalawang libro at hindi mabilang na mga papel na amoy-bodega.
"Ano pong gagawin ko rito?" naguguluhang tanong ko. Sinulyapan ko ang pamagat ng mga libro.
Noli Me Tangere.
El Filibusterismo.
"Itapon mo. Sunugin mo. Wala naman na 'kong pakialam," walang kagatol-gatol na sabi ni Rizal. "Mga isinulat namin. Mga pinagpaguran namin para magising sa katotohanan 'yang mga ninuno niyo at lumaban para sa bayan. Walang silbi ang mga 'yan."
"Pero ang mga ito ang dahilan kung bakit napalaya ninyo ang Pilipinas!" malakas kong sabi. Nagagalit ako. Naiinis. Ano ba ang pinapalabas ng mga bayaning 'to?
Napaatras ako nang sumeryoso nang husto ang mukha ni Rizal.
"Walang lumaya," malamig niyang tugon. "Kahit kailan ay hindi kayo totoong lumaya. Inalipin noon ang mga Pilipino kaya kami lumaban. Pero sa kabila ng lahat, Pilipino rin ang sumisira sa sarili nilang bayan. Sinamba ninyo ang mga banyaga. Niyakap ninyo ang kultura nila. Ibinaon niyo sa limot ang aming mga nagawa. Wala na sa inyong taos-pusong umaalala ng mga kontribusyon namin para sa bansa."
Hindi ako makasagot.
"Ang hindi magmahal sa sariling wika ay mahigit pa sa hayop at malansang isda," patuyang ulit ni Rizal sa pamoso niyang linya. "Ingles ang ginagawa niyong batayan ng talino. Inaaral ninyo ang lenggwahe ng mga banyagang dumaragsa sa bansa ninyo ngunit ni hindi kayo pamilyar sa tamang paggamit ng mga salita ng sarili niyong wika. Pinagtatawanan ninyo ang mga matatalinong malalim kung magsalita ng wikang Filipino at ginagaya ninyo ang tatas ng wika ng mga banyagang palihim na binubura ang kultura ninyo."
Napayuko ako. Hiyang-hiya.
"Hindi namin napalaya ang Pilipinas. Pinili ninyong magpakadena sa kolonyalismo. Wala na kaming magagawa. Ang bansang ipinaglaban namin mula sa mga banyaga ay sa banyaga pa rin ngayon sumasamba."
ctto: Alexandra Javier