14/07/2026
Libu-libong Aeta nagmartsa patungong CERAB sa Capas, Tarlac
CAPAS, Tarlac—Nagmartsa ang libu-libong Aeta ng Capas, Tarlac mula sa Barangay O'Donnell Covered Court patungong Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB) sa Barangay Sta. Juliana ngayong araw, Hulyo 14, 2026, kasabay ng pagdiriwang ng 79th Founding Anniversary ng Philippine Air Force (PAF).
Sinalubong ng mga Aeta ang mga opisyal ng PAF sa pamamagitan ng panawagang igalang ng militar at iba pang ahensya ng gobyerno ang kanilang karapatan sa lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya.
Dala ng mga nagpoprotesta ang mga plakard na may panawagang "Barangay na kami bago pa man ang RA 7227 at PP 163," "Mga traktor na pangsaka, huwag po sanang pagbawalang pumasok," at "Proyektong imprastraktura, huwag itayo mula sa pangangamkam."
Ayon sa mga nagpoprotesta, nagpapatuloy ang panggigipit, pananakot, at pagtatangkang paalisin diumano sila sa kanilang mga komunidad upang bigyang-daan ang iba't ibang proyektong, anila, ay ipinatutupad nang walang makabuluhang konsultasyon at nang hindi kinukuha ang kanilang malaya, nauna, at may kabatirang pahintulot (Free, Prior and Informed Consent o FPIC).
Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagtutol sa pagpapalit-gamit ng mga lupang sakahan at iba pang produktibong lupain para sa pagpapalawak ng reserbasyong militar at ng New Clark City.
Dagdag pa nila, nadatnan na ng mga Kastila ang kanilang mga ninuno sa Capas. Anila, nananatili ang bakas ng kanilang kasaysayan sa ilang pangalan ng mga lugar sa bayan. Noong 1992 at 1993 lamang, anila, ipinasa ang RA 7227 at inilabas ang PP 163.
Ayon pa sa mga organizer, bahagi ng 9,450 ektaryang New Clark City ang humigit-kumulang 1,600 ektaryang, anila, ay nakalaan para sa pagtatayo ng mga data center sa ilalim ng proyektong Pax Silica.
Patuloy pang dumarating ang mga ulat at larawan mula sa lugar. Hinihintay pa ang opisyal na pahayag ng mga lider ng protesta at ng mga kinauukulang ahensya.
Patuloy naming babantayan ang mga pangyayari.
(Developing Story)