04/05/2026
11 OPISYAL NG PANGASINAN PPO SINIBAK SA SUGAL; SA MINDORO UNTOUCHABLE ANG SUGAL PERO WALANG NASISIBAK?
ni RONALD BULA
Labing-isang opisyal ng Pangasinan Provincial Police Office ang sinibak matapos mabunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang malawakang ¬operasyon ng ilegal na sugal na jueteng at pergalan sa lalawigan.
Sa inilabas na kautusan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., kabilang sa mga inalis sa puwesto ang 1 police colonel, 5 lieutenant colonel, 3 major, at 2 kapitan na inilipat sa Police Holding and Accounting Unit (PHAU) at Directorate for Personnel and ¬Records Management (DPRM) ng Police ¬Regional Office 1.
Nag-ugat ang hakbang matapos magsagawa ang NBI ng serye ng ¬operasyon kontra ilegal na sugal na nagresulta sa mga pag-aresto ng 49 sa San Carlos City; 40 sa Rosales; 34 sa Calasiao; 31 sa Urdaneta City; at 25 sa Manaoag.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya ng pulisya at inilipat sa holding facility sa Camp Crame habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
@@@
Sa Occidental at Oriental Mindoro naman matagal nang inirereklamo ng mga kaparian deboto at mananampalataya ang mga perwisyo at salot na pergalan (perya-sugalan) na parang kabute na naglipana sa bayan ng Pinamalayan, Bansud, Bulalacao, Bongabong, Roxas, Pola, Mansalay, Socorro, Gloria, Victoria, Naujan, Baco, San Teodoro, Puerto Galera at Calapan, Oriental Mindoro. -Ganon din ang gabi-gabing operasyon ng "baklay color games at drop ball" sa mga bayan ng Mamburao, Rizal, Sablayan, Abra de Ilog, Calintaan, Looc, Lubang, Magsaysay, Paluan, San Jose at Santa Cruz Occidental Mindoro.
Bukod dyan ayon sa source umaatungal na umano ang ilang bigtime na peryante (gambling operator) sa laki umano ng hinihinging “goodwill’ nina alyas Sgt. Manalo, Sgt. Nonoy, Sgt. Leynes, at Sgt. Raymond mga nagpakilalang tauhan ng CIDG, S2 at R2 sa kabila ng ipinatutupad na "No Take" Policy.
Ayon sa reklamo imbes hulihin ang iligal na sugal ay ginagawa umanong gatasan ng ilang tiwaling opisyal ng kapulisan sa nasabing mga probinsya.
Matatandaan na napatay ang broadcast journalist na si Cris Bunduquin dahil sa pagtuligsa at pagbatikos sa iligal na sugal at sa mga protektor na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naaaresto ang utak at mastermind na police major, anak ng dating mayor at isang provincial official.
Mabagal ang pulisya sa pagtugis sa mga mastermind. Ito ang sinabi noon ng dating Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Usec. Paul Gutierrez, na tinututukan nila ang kaso at mayroon na silang sinusubaybayang mga personalidad kaugnay sa pagpaslang kay Bunduquin.
Ayon kay Gutierrez, isa umanong police major at kasamahan nito na operator ng peryahan ang tinuturong ‘‘utak’’ sa pagpatay.
Bukod sa dalawang persons of interest, tatlo pang personalidad ang pinagsususpetsahang sangkot sa murder ng broadcaster.
Napatay si Bunduquin ng riding-in-tandem noong Mayo 31, 2023 ganap na 4:30 ng madaling araw sa kanyang tindahan sa Bgy. Lalud, Calapan City.
Habang patuloy na pinoproteksyon ng ilang tiwaling opisyal ang mga salot na sugal sa perya, dadami ang magiging biktima ng kahirapan, bisyo, at kriminalidad.
Kung totoong may malasakit sa bayan sina Oriental Mindoro Provincial Director PCol Edison Revita, Occidental Mindoro Provincial Director PCol Timoteo Espiritu at PRO4B Regional Director PBGen Jovencio Badua ipakita nila sa mamamayan na hindi sila kasabwat sa katahimikan?
TAKE NOTE: kung saan matatagpuan ang Camp Efigenio Navarro ang punong tanggapan ng Police Regional Office MIMAROPA ay talamak ang sugal lupa, jueteng at droga.
Tanong ng mga taga Mindoro hanggang kailan mananatiling tikom ang bibig ng heneral at mga colonel laban sa iligal na gawaing ito na sumisira sa kabuhayan at moral ng kanilang mga nasasakupan?
Matagal nang umiikot ang “pera” ng color games, pulat-puti, at drop ball baraha sa mga Peryahan at ang untouchable na jueteng — ngunit kailan pa kikilos ang mga dapat lumaban dito?